20 Disyembre 2024
Ikalimang Araw ng Simbang Gabi
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38
Larawan: Maarten Pepyn (1575–1643), Annunciation (c. Between 1600 and 1643), Sold at Hampel Auctions on 4 July 2018, Munich, lot 471, Public Domain.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kaniyang dakilang plano. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na tatawaging Emmanuel ay isisilang ng isang dalaga. Hindi kinalimutan ng Diyos ang pangakong ito. Kailanman, hindi Niya binalak kalimutan ang pangakong ito. Bagkus, nagtakda Siya ng panahon upang isakatuparan ang pangakong ito. Tampok sa Ebanghelyo ang katuparan ng pangakong ito. Patunay lamang ito na hindi nakakalimot ang Diyos sa pangakong Kaniyang binitiwan. Kung tutuusin, ipinakilala sa Ebanghelyo ang dalagang hinirang at itinalaga ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos - ang Mahal na Birheng Maria.
Nakasentro sa pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Buong linaw na pinagtuunan ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, itinuro ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan sa lahat kung sino ang mapagkakatiwalaan at maaasahan - ang Panginoon.
Buong linaw na isinalungguhit sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ang pananalig ng Mahal na Birhen sa kalooban ng Diyos. Lubos siyang namangha nang marinig niya mula sa Arkanghel San Gabriel na hinirang at itinalaga siya ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi maunawaan nang lubos ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung bakit hinirang at itinalaga siya ng Diyos sa lahat ng mga babae para sa nasabing tungkulin. Ang tungkuling ito ay napakabigat at napakahirap. Subalit, sa kabila nito, hindi nagpadala sa takot ang Mahal na Birheng Maria. Bagkus, ang kaniyang puso at sarili ay kusang-loob niyang binuksan at inihandog sa Diyos bilang tanda ng kaniyang pananalig sa Kaniya. Pinatunayan ng Birheng Maria na taos-puso siyang nananalig at umaaasa sa Diyos.
Walang masamang idinudulot ang Diyos. Ang Kaniyang dulot ay tunay na kabutihan at pag-asa. Pinatunayan Niya ito noong ipinasiya Niyang dumating sa mundong ito upang tuparin ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, bilang tugon, dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Kaniya, tulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento