Sabado, Nobyembre 23, 2024

ITURO ANG DAPAT ASAHAN

12 Disyembre 2024 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 (o kaya: Lucas 1, 26-38) 



Ang pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe ay nakasentro sa pagiging tagapagturo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria kung sino ang dapat asahan - ang Panginoong Diyos. Katunayan, isinalungguhit ng mga salitang binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kay San Juan Diego na niloob ng Diyos na magpakita siya sa Guadalupe upang ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Hindi nagpakita kay San Juan Diego ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang ipakita sa lahat ang kaniyang kaningningan bilang Reynang Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nagpakita siya kay San Juan Diego upang ituro sa lahat kung sino ang dapat asahan. 

Niloob ng Diyos na magpakita ang Mahal na Birheng Maria kay San Juan Diego bilang tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa Kaniya lamang natin matatagpuan ang tunay na pag-asa. Hindi tayo dapat matakot lumapit sa Kaniya dahil Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang nais ng Mahal na Poon. Maging panatag ang ating loob sa Kaniya. 

Mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa tanan ang binigkas ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Ang mga salitang inilahad sa Salmong Tugunan ay nakatuon naman sa halaga ng pag-asa sa Panginoong Diyos. Katunayan, ang mga salita sa dalawang taludtod sa Salmong Tugunan ay tungkol sa tagumpay ni Judith. Si Judith ay nagwagi laban kay Holofernes na kaniyang pinugutan ng ulo dahil umasa siya sa Diyos. Hindi nawalan ng pag-asa sa Diyos si Judith. Ito ang nagbigay ng lakas ng loob kay Judith upang magtagumpay laban sa kaaway. Sa Ebanghelyo, itinampok ang pananalig at pag-asa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Diyos. Ang taos-pusong pananalig at pag-asa ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos ay ang bukod tanging dahilan kung bakit niya tinanggap ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang ina ni Kristo. 

Sa pamamagitan ng pagpapakita kay San Juan Diego, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Itinuro pa nga ng Mahal na Birheng Maria kung sino ang dapat asahan. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Poong Jesus Nazareno, dapat rin nating ituro sa tanan ang dapat asahan - ang Panginoon mismo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento