Sabado, Nobyembre 30, 2024

KUSANG-LOOB NA PAGDULOT NG PAG-ASA

23 Disyembre 2024 
Ikawalong Araw ng Simbang Gabi 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


Inilahad sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagsilang ni San Juan Bautista. Ang nasabing kaganapan ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Hudyat ng nalalapit na pagdating ng Panginoon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang pagsilang ni San Juan Bautista. Patunay lamang na tapat ang Diyos sa Kaniyang mga pangako. Dahil dito, maaasahan natin ang Panginoon sa bawat sandali ng ating pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa lupa. 

Ang pahayag ng Diyos na inilahad ni Propeta Malakias sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa ay nakasentro sa Kaniyang pagdating. Ipinangako ng Diyos na darating Siya upang iligtas ang Kaniyang bayan. Nakasentro rin sa pagdating ng Panginoong Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang pahayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kabutihan, habag, at awa, kusang-loob na ipinasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang lahat sa pamamagitan ni Kristo. 

Bagamat hindi karapat-dapat ang sangkatauhan dahil sa kanilang mga kasalanan na hindi na mabilang sa sobrang dami nito, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita sa lahat ang Kaniyang kabutihan, pag-ibig, habag, at awa. Ito ang pinagtutuunan ng pansin ng kahulugan ng pangalang "Juan." Ang bagong silang na sanggol na lalaki sa salaysay sa Ebanghelyo ay hindi pinangalanang "Zacarias," katulad ng kaniyang ama. Bagkus, ang ipinangalan sa kaniya ng mga magulang niyang sina Zacarias at Elisabet ay "Juan." Sa pamamagitan nito, ipinahiwatig kung ano ang magiging misyon ni San Juan Bautista. Mauuna siya sa ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas upang ihanda ang lahat para sa Kaniyang pagdating sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kabutihan ng Diyos na walang maliw at pagbibinyag. 

Dahil sa kabutihan ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinasiyang idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak na ipinagkaloob Niya sa atin bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangako - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento