Biyernes, Disyembre 13, 2024

DEBOSYON NG MGA TUNAY NA UMAAASA

12 Enero 2025 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (K) 
Isaias 40, 1-5. 9-11 (o kaya: 42, 1-4. 6-7)/Salmo 103 (o kaya: 28)/Tito 2, 11-14; 3, 4-7 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Lucas 3, 15-16. 21-22


Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng kaganapang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan. Nang binyagan ni San Juan Bautista si Jesus Nazareno sa Ilog Jordan, ang Espiritu Santo ay bumaba mula sa langit sa anyo ng kalapati at nagsalita ang Amang nasa langit upang ipakilala Siya sa lahat bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Inihayag sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang bukod tanging dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan. Darating ang Panginoon upang maghatid ng liwanag at pag-asa sa Kaniyang bayan. Mahahayag ang Kaniyang kaningningan at pagmamasdan ito ng lahat. Sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na isinalungguhit ni Apostol San Pablo ang kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Buong linaw na isinalungguhit sa Salmong Tugunan ang tugon ng lahat ng mga tunay na umaaasa sa Panginoong Diyos. Taos-pusong papuri at pasasalamat sa Diyos ang tugon ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na tunay nga siyang umaasa sa Diyos. 

Kung tunay ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, pupurihin natin Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nating tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento