25 Disyembre 2024
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
Larawan: Louis Cretey (–1713), The Nativity (c. 17th century), Detroit Institute of Arts. Public Domain.
Ang kuwento ng gabi ng unang Pasko ay kuwento ng liwanag at pag-asa. Noong gabi ng unang Pasko, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, na maghatid ng liwanag at pag-asa sa lahat. Pinawi ng Kaniyang liwanag na sumasalamin sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ang kadiliman sa buong paligid. Bukal sa Kaniyang kalooban ang Kaniyang pasiyang isagawa ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Amang nasa langit.
Inilarawan sa mga Pagbasa kung paanong ang Diyos ay nagdulot ng liwanag at pag-asa sa sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Panginoong Diyos sa bayang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na darating Siya sa takdang panahon bilang Manunubos. Ang pagiging Tagapagligtas ng Panginoong Diyos ay binigyan ng pansin at isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nakasentro rin sa pagdating ng Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat sa takdang panahon sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tampok na pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, ang pagiging tunay na Diyos ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay isinalungguhit.
Hindi karaniwang sanggol na lalaki ang isinilang sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Bagkus, ang sanggol na lalaking isinilang sa nasabing sabsaban noong gabing yaon ay ang mismong Diyos na nangako sa Kaniyang bayan sa Lumang Tipan na darating Siya bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kailanman, hindi binalak ng Diyos na ibaon sa limot ang pangakong binitiwan dahil sa Kaniyang tunay, dalisay, at tapat na pag-ibig, kabutihan, habag, at awa.
Bukal sa kalooban ng Diyos ang Kaniyang pasiyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ang Kapaskuhan ay isang taunang pagdiriwang. Ang Diyos ay nagpasiyang maghatid ng liwanag at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng pagtubos sa lahat. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangakong binitiwan. Nang kusang-loob na ipasiya ng Diyos na isakatuparan ang pangakong ito, ipinalaganap Niya sa lahat ang tunay na liwanag at pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento