5 Enero 2025
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2,1-12
Larawan: Francisco Herrera the Elder (1576–1656), Epiphany (c. 1653). Museu Nacional d'Art de Catalunya. Public Domain.
Ang layo ng nilakbay ng mga Pantas ay hindi biro. Napakalayo ng kanilang nilakbay patungo sa lugar kung saan ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay kanilang natagpuan. Katunayan, buong ipinahiwatig ni San Mateo sa salaysay ng kaganapang ito na inilahad sa Ebanghelyo na hindi sila mga Israelita. Mga dayuhan sila. Dumaan sa palasyo ni Haring Herodes ang mga Pantas na ito sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Kung sino pa yaong sakim sa kapangyarihan, siya pa yaong unang pinagtanungan ng mga dayong ito. Para kay Haring Herodes, walang ibang hari kundi siya.
Bagamat mga dayuhan sila, ipinasiya pa rin ng mga Pantas na ito na maglakbay nang napakalayo upang dalawin at sambahin ang Banal na Sanggol na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Pinahintulutan nilang akayin sila ng Kaniyang Tala. Naging bukas sa pag-akay ng Diyos ang mga Pantas na ito. Kahit gaano pa sila katalino, sinundan pa rin ng mga nasabing Pantas ang Tala ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno nang may taos-pusong kababaang-loob at tuwa.
Niloob rin ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na dalawin Siya ng mga Pantas mula sa Silangan. Sa pamamagitan nito, natupad ang pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Ito rin ang inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Pati na rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, inihayag niya nang buong linaw na ihahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno na Siya lamang ang tunay na Hari. Ang lahat ay maglilingkod at sasamba sa Kaniya nang buong kababaang-loob.
Hindi napilitan ang mga Pantas na sundin ang tala ng pag-asa. Kusang-loob nilang ipinasiyang gawin ito. Maging bukal sa ating kalooban ang ating pagsunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento