Lunes, Disyembre 9, 2024

PAANYAYA NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Enero 2025 
Ika-4 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 7-10/Salmo 97/Juan 1, 35-42 


"Halikayo at tingnan ninyo" (Juan 1, 39). Ito ang paanyaya ng Poong Jesus Nazareno sa dalawang tagasunod ni San Juan Bautista na nagsimulang sumunod sa Kaniya. Matapos Siyang ipakilala muli ni San Juan Bautista bilang Kordero ng Diyos sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inanyayahan ng Poong Jesus Nazareno ang dalawang dating alagad ni San Juan Bautista sa bahay na Kaniyang tinitirhan. Simula noon, ang Poong Jesus Nazareno ay kanilang sinundan. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon sa paanyayang ito ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Patuloy pa ring umaalingawngaw ang paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang para sa dalawang dating tagasunod ni San Juan Bautista ang paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, para rin ito sa atin. Tayong lahat ay laging inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging bukas sa biyaya ng bagong buhay dulot Niya sa lahat. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Juan ang lahat na hindi dapat bumalik sa dating pamumuhay ang lahat ng mga binago ng Poong Jesus Nazareno. Ipinaalala ni Apostol San Juan na ito ang dahilan kung bakit dumating bilang Kordero ng Diyos at ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa lupa upang baguhin tayo. Ang bagong buhay na Kaniyang kaloob sa atin ay bunga ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Kapag binuksan natin nang taos-puso ang buo nating sarili sa bagong buhay na dulot ng Poong Jesus Nazareno, hindi na tayo dapat bumalik pa sa kasalanan at kadiliman. 

Buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang pagiging Tagapagligtas ng Poong Jesus Nazareno. Kaligtasan ang dulot ng Mesiyas sa lahat. Ang mga salitang ito ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan tungkol sa pagliligtas ng Diyos ay tinupad ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pagdating. 

Lagi tayong inaanyayahan ng Poong Jesus Nazareno na sumunod sa Kaniya nang sa gayon ay baguhin Niya tayo. Ang bagong buhay na Kaniyang kaloob sa atin ay isang buhay na puno ng tunay na liwanag at pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento