7 Enero 2025
Martes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 4, 7-10/Salmo 71/Marcos 6, 34-44
SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 19 November 2024 (Martes) (Facebook and YouTube)
"Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos ... sapagkat ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4, 7-8). Sa mga salitang ito ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Lagi tayong pinaalalahanan ng Inang Simbahan na ang Diyos ay pag-ibig dahil ito ang bukod tanging dahilan kung bakit lagi tayong nagkakabuklod-buklod bilang mga bumubuo sa Simbahan. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niya tayong tubusin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak.
Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakain sa limanlibo. Ang himalang ito ng Poong Jesus Nazareno ay hindi lamang pagpapamalas ng Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, ito rin ay pagpapahayag ng Kaniyang pag-ibig para sa lahat. Sa pamamagitan ng himalang ito, ipinapaalala ng Poong Jesus Nazareno na lagi Siyang handang tumugon sa pangangailangan ng bawat tao. Hindi Niya tayo dededmahin.
Inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na paglilingkuran ng lahat ng mga bansa ang Panginoong Diyos. Sa mga taludtod ng nasabing awit-papuri, ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ipinasiyang gawin ng Panginoong Diyos ay buong linaw na pinatotohanan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ang mga bagay na ito ay Kaniyang isinagawa upang ihayag ang Kaniyang pag-ibig.
Nais ng Diyos na malaman ng lahat na tunay Siyang mapagmahal. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang idulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento