Biyernes, Disyembre 13, 2024

SUMUSUNOD KAY JESUS NAZARENO ANG MGA TUNAY NA UMAAASA SA KANIYA

9 Enero 2025 
Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17

SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH Official Logo Launching of NAZARENO 2025 | 22 October 2024 (Facebook and YouTube


"'Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog' (1 Samuel 15, 22) sa mga Umaasa kay Jesus." Ito ang tema para sa maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa taong 2025. Buong linaw na isinasalungguhit sa tema para sa nasabing Kapistahan sa nasabing taon kung gaano kahalaga para sa bawat isa sa atin ang taos-pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Pinatutunayan nito ang ating taos-pusong debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tunay ngang nananalig at umaaasa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga sumusunod sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, hiniling ng mga Israelita kay Moises na dumalangin sa Diyos na may kapangyarihang iligtas sila mula sa mga makamandag na ahas na padala Niya bilang parusa sa kanilang pagrereklamo na sumasaigsag sa kanilang pasiyang huwag umasa sa Kaniya. Malakas na inihayag ng mga Israelita sa simula ng Unang Pagbasa na ang Diyos ay hindi maaasahan. Nagbago ang pananaw ng mga Israelita matapos padalhan sila ng Diyos ng mga makamandag na ahas. Saka lamang nila naaalalang kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na iligtas sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Dahil dito, buong kababaang-loob nilang hiniling kay Moises na makiusap sa Diyos para sa ikaliligtas nila. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isang paalala para sa ating lahat. Hindi natin dapat limutin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Kahit na hindi Niya kinailangang gawin ang lahat ng iyon, kusang-loob pa ring ipinasiya ng Panginoong Diyos na gawin ang lahat ng iyon alang-alang sa atin. Ang lahat ng mga taos-pusong umaaasa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ay sumusunod sa Kaniyang mga utos at loobin dahil hindi nila nililimot ang Kaniyang mga gawa. 

Isinentro ni Apostol San Pablo sa kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno hanggang sa huli ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Alang-alang sa atin, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay kusang-loob na sumunod sa kalooban ng Ama nang may kababaang-loob hanggang sa huli. Kahit na sarili Niyang buhay ang naging kapalit nito, buong kababaang-loob pa ring isinagawa ng Poong Jesus Nazareno ang misyong ibinigay sa Kaniya ng Amang nasa langit upang ipakita sa atin na lagi natin Siyang maaasahan. 

Nakatuon sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang mga salita sa Ebanghelyo. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila, dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas sa ating lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, idinulot ng Diyos sa bawat isa sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging sumusunod sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nilang tunay nga silang nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento