Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (A)
Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)/Salmo 127/Colosas 3, 12-21/Mateo 2, 13-15. 19-21
Larawan: Jacob van Oost (1603–), Flight into Egypt (c. Between 1623 and 1671). Sint-Salvatorskathedraal. Public Domain.
Napapaloob sa kapanahunan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose. Buong linaw na pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa pagsapit ng nasabing Kapistahan taun-taon ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Kusang-loob ang pasiya ng Diyos na maging bahagi ng isang pamilya sa Kaniyang pagparito sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Kaniyang Anak na si Jesus Nazareno, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo.
Sa kabila ng Kaniyang kadakilaan bilang Diyos, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na mapabilang sa isang pamilya. Naging anak Siya ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose. Bilang kanilang anak, tinupad at sinunod ng Poong Jesus Nazareno nang buong kababaang-loob ang mga tagubilin sa Unang Pagbasa. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang mga tagubiling ito sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni Sirak ay ibinahagi rin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, sa mga tagubilin sa Unang Pagbasa naka-ugat ang mga tagubilin sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa.
Batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi magiging madali ang pamumuhay sa piling ng isang pamilya sa lupa dahil sa mga kaganapang katulad ng kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo. Ang Kaniyang buhay ay nalagay sa matinding panganib, kahit na isang sanggol pa lamang Siya sa panahong yaon. Ito ay dahil hindi isang karaniwang sanggol na lalaki ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi ang tunay at walang hanggang Hari na kusang-loob na bumaba mula sa langit at naparito sa lupa bilang Mesiyas at Manunubos. Kahit na alam Niyang malalagay sa panganib ang Kaniyang buhay nang hindi pa sumasapit ang panahong itinakda Niya upang ang tanan ay iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal, pinili pa rin Niyang mapabilang sa isang pamilya katulad natin.
Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na maging bahagi ng isang pamilya sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Buong kababaang-loob Niyang ibinilang ang Kaniyang sarili sa isang pamilya alang-alang sa ating lahat na lubos Niyang iniibig at kinahahabagan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento