30 Disyembre 2025
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40
Larawan: Alonso del Arco (1635–1704), El Niño Dios dormido sobre la cruz (c. 1681). Royal Academy of Fine Arts of San Fernando. Public Domain.
Ang Ebanghelyo ay bahagi ng salaysay ng pagdadala sa Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno sa Templo upang ihandog sa Diyos. Ito ang huling bahagi ng salaysay ng nasabing kaganapan. Tampok sa nasabing bahagi ang propetang babae na si Ana na nagpatotoo tungkol sa Poong Jesus Nazareno sa mga tao. Buong galak at tuwa na nagpatotoo si Ana sa mga tao tungkol sa walang maliw na katapatan ng Diyos na Kaniyang ipinamalas nang buong linaw sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang dapat nating gawin bilang kawan ng Poong Jesus Nazareno na naglalakbay nang pansamantala sa daigdig. Dapat natin Siyang ipakilala sa lahat. Sa pamamagitan ng tapat na pagsaksi sa Kaniya, ang Poong Jesus Nazareno ay ating dinarakila nang taos-puso.
Nakatuon sa pinakamabisang paraan ng pagsaksi sa Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Dapat nating tuparin at sundin ang Kaniyang kalooban. Lagi tayong mamuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Ito ang pinakamabisang paraan ng pagsaksi sa Kaniya. Kapag ito ang ating ginawa, ang dakilang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa Kaniyang kaharian sa langit ay matatamasa natin.
Buong linaw na inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang ginagawa ng lahat ng mga dumarakila sa Panginoong Jesus Nazareno nang taos-puso sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Lagi silang nagdiriwang nang may tuwa sa kabila ng mga kapighatian, tukso, at pagsubok sa buhay sa daigdig dahil sa Panginoong Jesus Nazareno. Hinahanda nila para sa pagtamasa ng dakilang biyayang ito na kusang-loob na ipagkakaloob ng Panginoong Jesus Nazareno.
Dinarakila ng lahat ng mga sumasaksi sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang may taos-pusong katapatan ang Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Lagi nilang inilalaan ang bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pagsasagawa nito.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento