Martes, Disyembre 2, 2025

INIIBIG TAYO NG ATING DINARAKILA

27 Disyembre 2025 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita 
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8 


Itinatampok at pinararangalan ng Simbahan sa araw na ito si Apostol San Juan. Kilala si Apostol San Juan bilang alagad na minamahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, inaanyayahan tayo ng Simbahan sa araw na ito na pagnilayan nang buong kataimtiman ang ugnayan ng pag-ibig ng Diyos at ng misteryo ng pagkakatawang-tao ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa kabila ng Kaniyang kadakilaan, ipinasiya ng Diyos na magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nahayag sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pag-ibig ng Diyos. 

Ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa na mula sa simula ng kaniyang unang sulat ay nakasentro sa dahilan kung bakit lagi siyang nagpapatotoo tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Katulad ng kaniyang mga kapwa niyang alagad at apostol, nasaksihan ni Apostol San Juan ang mga kahanga-hangang gawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at napakinggan ang Kaniyang mga pangaral. Ito ang ibinabahagi niya sa mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa ikabubuti nila. Tampok naman sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagtuklas sa libingang walang laman. Walang laman ang libingan dahil nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Patunay ito na hindi isang karaniwang sanggol ang isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Bagkus, Siya ay ang Diyos na tunay ngang dakila. 

Hinihimok ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat ng mga tapat at masunurin sa Panginoon na magalak sa Kaniya. Siya ang dahilan kung bakit mayroong galak ang lahat ng mga dumarakila sa Kaniya sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na ating dinarakila na iligtas tayo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Pasko. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento