Biyernes, Disyembre 5, 2025

HINDI NAPILITAN ANG ATING DINARAKILA

31 Disyembre 2025 
Ikapitong Araw ng Padiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno  
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 

Larawan: Josep Vergara (1726–1799), El Niño Jesús entre los Santos Juanes niños (c. 18th century). Museu de Belles Arts de València. Public Domain.

"Naging tao ang Salita, at Siya'y nanirahan sa piling natin" (Juan 1, 14). Ito ang mga salitang pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Buong linaw na inilarawan sa mga salitang ito mula sa Ebanghelyo ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Diyos ay nagpasiyang dumating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito, ang kadakilaan ng Diyos ay nahayag. 

Ang tradisyunal na Pagsisiyam sa karangalan ng Panginoong Hesukristo sa ilalim ng titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagsisimula sa huling araw ng bawat taon sa sekular na kalendaryo. Sa loob ng siyam na araw na ito, ang ating mga pansin ay itinutuon ng Simbahan sa kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at biyaya na Siyang bukod tanging dahilan kung bakit ang Kabanal-Banalang Krus na pinagpakuan sa Kaniya sa bundok ng Kalbaryo ay ipinasiya Niyang pasanin. 

Buong linaw na ipinahayag ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa na ipinagkaloob sa lahat ng mga tunay na dumarakila sa Poong Jesus Nazareno ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay Kaniyang isinugo sa lahat ng mga taos-pusong dumarakila sa Kaniya bilang patunay na taos-puso silang nananalig, sumasampalataya, sumusunod, at sumasamba sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli upang maging kanilang Patnubay at Gabay. Patunay lamang ito na tunay nga Niya silang iniibig, pinahahalagahan, at kinahahabagan. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na pinananabikan ng lahat sa loob ng napakahabang panahon ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na ipinakilala bilang Salitang nagkatawang-tao sa Ebanghelyo noong gabi ng unang Pasko. Kahit na mga hirap, sakit, at pagdurusang dulot ng mabigat na kahoy na Krus na pagpapakuan sa Kaniya sa takdang panahon ang naghihintay sa Kaniya, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito. Hindi ito sapilitan. Bagkus, bukal sa Kaniyang kalooban ang Kaniyang pagdating. 

Inaanyayahan tayo ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na magalak at magdiwang. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga debotong misyonerong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Siya mismo ang nagtatag ay laging nagdiriwang nang may galak. Dinarakila nila Siya nang taos-puso hanggang sa huli, kahit na napakahirap itong gawin. Pinatutunayan nilang bukal sa kanilang kalooban ang kanilang pasiyang manalig, umasa, sumampalataya, makinig, tumalima, at sumamba sa Kaniya sa pamamagitan ng pagdakila sa Kaniya gamit ang bawat salitang kanilang binibigkas at ang mga bagay na ginagawa nila araw-araw. 

Kung ang Salitang nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay taos-puso nga nating dinarakila, ang Kaniyang mga utos at loobin ay tutuparin at susundin natin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Hindi natin dinarakila nang taos-puso ang Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsampa sa andas sa maringal na prusisyon na isinasagawa sa araw ng Kaniyang maringal na Kapistahan. Magmumukha pa tayong mga hambog at mayabang kapag iyan ang ating ginawa dahil lalabas na itinataas at dinarakila ang ating mga sarili. Sa halip na dakilain ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sarili ang dinarakila. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at loobin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang patunay na umaaasa, nananalig, sumasampalataya, tumatalima, at sumasamba sa Kaniya. Ito ay dahil ang mga tapat at masunurin sa Poon ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento