Huwebes, Disyembre 4, 2025

LIWANAG NA DULOT NG ATING DINARAKILA

29 Disyembre 2025 
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Nakasentro sa tunay na liwanag ang mga Pagbasa. Hindi ito isang hiwalay na paksa, usapin, at konsepto sa dakilang misteryong pinagninilayan ng Simbahan nang buong kataimtiman sa panahong ito. Bagkus, naka-ugat sa nasabing misteryo ang nasabing paksa. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, dumating sa daigdig ang tunay na liwanag. Ang tunay na liwanag ay nagmula sa langit. 

Sa salaysay ng Pagdadala sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo upang ihandog sa Diyos na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, ipinakilala Siya nang buong linaw ni Simeon bilang liwanag. Nang ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa lupa bilang Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko, ang tunay na liwanag ay dumating sa lupa. Dahil sa Poong Jesus Nazareno, may liwanag. Katunayan, ang Poong Jesus Nazareno mismo ay ang liwanag na iyon. Ipinagkaloob Niya ang Kaniyang sarili bilang liwanag. Pinawi ng Poong Jesus Nazareno ang kadiliman. 

Dahil pinawi ng tunay na liwanag na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ang kadiliman, itinuon ni Apostol San Juan ang kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa sa pamumuhay sa ilalim ng tunay na liwanag. Hindi na tayo dapat mamuhay bilang mga alipin ng kadiliman. Bagkus, dapat mamuhay tayo bilang mga pinalaya ng tunay na liwanag. Ang kabanalan ay dapat nating piliin. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin ang tunay na liwanag.

Inilahad sa Salmong Tugunan ang isang paanyaya. Tayong lahat ay inaanyayahan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na magalak at magdiwang. Ang dahilan kung bakit dapat lagi tayong magalak at magdiwang bilang mga bahagi ng tunay na Simbahan ay walang iba kundi ang Kataas-taasang Diyos. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag. Dumating Siya sa lupa upang pawiin ang kadilimang bumalot at umalipin sa atin. Bilang tugon sa Kaniyang pasiyang pawiin ang kadilimang bumalot at umalipin sa atin, dakilain natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng pagtupad at pagsunod sa Kaniyang kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento