01 Enero 2026
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
Larawan: Anonymous. Madonna and Child (c. fourth quarter of the 17th century). National Museum in Kielce. Public Domain.
Ang unang araw ng buwan ng Enero ng bawat taon sa sekular na kalendaryo ay ang unang araw ng isang panibagong taon. Subalit, sa liturhikal na kalendaryo, ito ay ang ikawalo at huling araw ng Walong Araw ng Pagdiriwang na tinatawag ring Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nakasentro sa dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa walong araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang ikawalo at huling araw ng walong araw na ito na inilaan upang ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang nang buong ligaya para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.
Bukod sa pagiging araw na inilaan ng Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, na siya ring pang-walo at huling araw ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang, ang unang araw ng buwan ng Enero ay itinakda rin bilang Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Kapayapaan. Ang araw ring ito ay ang ikalawang araw ng tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo sa karangalan ng Katamis-tamisang Panginoon at Manunubos na si Kristo Hesus sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dumating ang biyaya ng tunay na kapayapaan sa lupa sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na naging Anak ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose noong gabi ng unang Pasko.
Isinasalungguhit nang buong linaw ang pagka-Diyos ng Panginoong Jesus Nazareno sa titulong Ina ng Diyos (Theotokos). Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong sumapit ang gabi ng unang Pasko ay tunay na Diyos. Bilang tunay na Diyos, idinudulot Niya ang Kaniyang pagpapala sa lahat, gaya ng inilarawan sa mga salitang Siya mismo ang nag-utos na bigkasin nina Aaron at ng kaniyang mga anak sa rito ng pagbebendisyon sa mga tao na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na laging binibigkas nina Aaron at ng kaniyang mga anak sa tuwing ang mga Israelita ay kanilang binebendisyunan, ayon sa Kaniyang tagubilin at utos na ibinahagi Niya kay Moises na Kaniyang lingkod na hinirang at itinalaga bilang tagapagsalita, nagpakilala ang Diyos bilang bukal ng pagpapala. Nakatuon ang awit ng papuri ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan sa katangiang ito ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, ang pinakadakilang pagpapalang bigay ng Diyos ay ibinunyag ni Apostol San Pablo. Nang sumapit ang takdang panahon, ang Diyos ay dumating sa lupa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kaniyang sarili bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ay nahayag sa pamamagitan nito.
Dinakila nang taos-puso ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Binigyan Siya ng taos-pusong pagdakila ng mga pastol na naglakbay mula sa parang patungo sa sabsaban sa lungsod ng Betlehem, ang lungsod ni Haring David, kung saan Siya isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Ang kaniyang ama-amahan na si San Jose ay naghandog rin ng taos-pusong pagdakila sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa pamamagitan ng kaniyang pagtupad nang taos-puso sa papel, tungkulin, at misyong bigay sa kaniya ng Diyos bilang Kaniyang minamahal na ama-amahan sa lupa. Higit sa lahat, dinakila rin Siya nang taos-puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang tanging babaeng bukod ngang pinagpala sa lahat ng mga babae sa balat ng lupa.
Hindi natin dinarakila nang taos-puso ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsampa sa andas sa prusisyon ng Traslacion mula sa Luneta patungong Quiapo sa araw ng Kaniyang Kapistahan. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay taos-puso nga nating dinarakila sa pamamagitan ng taos-pusong pagtalima sa Kaniya na taglay ang taos-pusong katapatan sa ating mga puso, gaya ng Mahal na Birheng Maria. Kasama rin ng Mahal na Birheng Maria, lagi natin Siyang dakilain sa bawat sandali.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento