Biyernes, Setyembre 5, 2025

TAGAPAGPAKILALA NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

12 Setyembre 2025 
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Paggunita sa Kamahal-Mahalang Ngalan ng Mahal na Birhen 
1 Timoteo 1, 1-2. 12-14/Salmo 15/Lucas 6, 39-42 


"D'yos ko, aking kapalara'y manahin ang Iyong buhay" (Salmo 15, 5a). Nakasentro sa mga salitang ito ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Buong linaw niyang ipinakilala kung sino ang buong puso niyang pinananaligan at inaaasahan. Ang pasiya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang mga salita sa Salmong Tugunan, ang lahat ng mga tao ay kaniyang inaanyayahang manalig at umasa rin sa Diyos nang taos-puso. 

Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Jesus Nazareno, dapat nating ipagmalaki sa lahat na Siya lamang ang taos-puso nating pinananaligan at inaaasahan. Hindi natin ito dapat ikahiya. Dapat natin itong ipagmalaki. Ang Poong Jesus Nazareno ay ating pinananaligan at inaaasahan nang taos-puso sa bawat oras ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Katunayan, kinakailangan rin nating ipakilala sa lahat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang mahikayat rin natin silang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na nagpapasalamat siya sa Diyos dahil niloob ng Diyos na makilala Siya ni San Timoteo sa pamamagitan ni Apostol San Pablo na hinirang at itinalaga Niya bilang Kaniyang lingkod, apostol, at misyonero sa lahat ng mga Hentil. Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nangaral sa mga tao laban sa kapaimbabawan. Hindi Siya naghahanap ng mga mapagpanggap o artista. Hinahanap Niya ang mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. 

Hindi dapat ikahiya o ilihim ang ating pasiyang manalig at umasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. Bagkus, dapat natin itong ipagmalaki at ipahayag sa lahat nang buong kagitingan at katapatan. Kailangan rin nating hikayatin ang lahat na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Magagawa natin ito sa bawat oras at sandali ng ating buhay sa mundo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsasabuhay ng pasiyang ito. 

Huwebes, Setyembre 4, 2025

HINDI NAKAKALIMOT ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

8 Setyembre 2025 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 


Isang mahalagang pagdiriwang para sa Inang Simbahan ang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria dahil sa papel at misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Sa lahat ng mga kababaihan sa kasaysayan ng daigdig, natatangi ngang lubusan ang Mahal na Birheng Maria dahil sa pagkahirang at pagkatalaga sa kaniya ng Kataas-taasang Diyos bilang ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na pinananabikan sa loob ng mahabang panahon na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Siyam na buwan matapos iligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan nang sumapit ang sandaling ng paglilihi sa kaniya sa sinapupunan ng kaniyang inang si Santa Ana, ang babaeng ito na bukod ngang pinagpala ng Diyos sa lahat ng mga babae ay isinilang. Nang isilang ang Mahal na Birheng Maria, pag-asang tunay ang idinulot ng Diyos sa sangkatauhan. Pinatunayan ng Diyos na ang tunay na pag-asa ay nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, ang babaeng bukod Niyang pinagpala sa lahat ng mga babae.

Dahil sa Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, may pag-asa para sa sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Niloob ng Diyos na mangyari ito. Katunayan, ang pag-asang ito ay nagmula mismo sa Kaniya. Pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan nito na hindi Siya nakakalimot kailanman. Ang mga salitang Kaniyang binigkas sa pamamagitan ng propetang Kaniyang hirang na si Mikas ay isang pangako para sa Kaniyang bayan. Ito ay hindi Niya nilimot kailanman. Katunayan, nakasentro ang pangaral ng apostol at misyonero sa mga Hentil na walang iba kundi si Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa sa walang maliw na katapatan ng Diyos. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong tinupad ng Diyos ang pangakong ito. 

Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang bukod tanging dahilan kung bakit Siya nagagalak. Nagagalak siya nang lubos dahil ang Diyos ay laging tapat sa Kaniyang pangako. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay hindi nakakalimot kailanman. 

Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay hindi nakakalimot kailanman. Lagi Siyang tapat sa mga pangakong binitiwan. Dahil dito, sa Kaniya tayo dapat manalig at umasa nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Sa sandaling isinilang ang babaeng bukod na pinagpala ng Diyos sa lahat ng mga babae na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, nahayag ang katapatan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos na hindi nagmamaliw kailanman.