Biyernes, Setyembre 12, 2025

BINABAGO NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

19 Setyembre 2025 
Biyernes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
1 Timoteo 6, 2k-12/Salmo 48/Lucas 8, 1-3 

Maikli lamang ang Ebanghelyo para sa araw na ito. Tatlong talata lamang ang haba nito. Subalit, sa loob ng tatlong talatang ito, ang mga babaeng sumunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala ni San Lucas. Bagamat ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay napakaiski, makakapulot tayo ng aral mula rito Hindi mahalaga ang haba o iksi ng Pagbasang tampok sa Ebanghelyo. Ang aral na mapupulot ng bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan mula rito ay mahalaga. Isa lamang ang aral na buong linaw na isinalungguhit sa maikling Pagbasa na tampok sa Ebanghelyo. Kung tunay ngang nananalig at umaaasa sa Diyos ang isang tao, handa siyang sumunod sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli.

Sa Unang Pagbasa, nangaral tungkol sa taos-pusong pagsunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos si Apostol San Pablo. Ang pagsunod sa Diyos nang taos-puso hanggang sa huli ay tanda ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Isinasabuhay nila sa pamamagitan ng taos-puso nilang pagsunod at pagtalima sa Kaniya ang taos-puso nilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. Naisasabuhay nila sa pamamagitan nito ang mga inihayag sa mga taludtod ng awit ng papuri na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. 

Ang mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso hanggang sa huli ay laging nakikinig at sumusunod sa Kaniya. Palagi nilang pinipili ang kalooban ng Diyos. Lagi rin nilang ibinubukas ang kanilang mga puso at sarili sa pagbabagong dulot ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento