3 Oktubre 2025
Biyernes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Baruc 1, 15-22/Salmo 78/Lucas 10, 13-16
Larawan: Mariano Salvador Maella (1739–1819), Cristo caído y la Verónica (c. Between circa 1816 and circa 1817). Lázaro Galdiano Museum via Colecciones en Red. Public Domain.
Maanghang ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Tila taliwas ito sa Kaniyang pagiging mahabagin, maawain, mahinahon, at mahinhin. Ang pagiging mahabagin, maawain, mahinahon, mahinhin, maunawain, at mapagmahal ng Poong Jesus Nazareno ay nakasanayan na ng marami. Katunayan, inilarawan ng bawat imahen at larawan ng Poong Jesus Nazareno na tumatayo matapos madapa dahil sa bigat ng Banal na Krus ang mga nasabing katangian. Ngunit, ibang-iba nga Siyang tunay sa bahaging ito ng Kaniyang pampublikong ministeryo na itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo.
Tiyak na hindi sanay ang karamihan sa katapangan ng Poong Jesus Nazareno, gaya ng inilarawan sa Ebanghelyo. Kapag ang Poong Jesus Nazareno ay iniisip ng marami, agad na papasok sa kaisipan ng nakararami ang larawan ng isang lalaking 33 taong gulang mula sa bayang tinatawag na Nazaret na mahinhin at mahinahon habang ang isang napakabigat na Krus na gawa sa kahoy ay buong hirap na pinapasan. Kahit na labis na nahihirapan, tahimik at mahinahon pa rin Siya. Dahil dito, tiyak na may mga maninibago sa mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo.
Buong linaw na ipinahayag ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa Ebanghelyo. Kahit na hindi halata sa unang tingin, ang mga maanghang at malalakas na salitang Kaniyang binigkas sa Ebanghelyo ay pagpapakita ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Isa lamang ang nais Niyang iparating sa lahat sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas Niya sa Ebanghelyo - hindi natin dapat sayangin at ipagwalang-bahala ang pag-asang Kaniyang dulot. Tandaan, kung hindi dahil sa Poong Jesus Nazareno, walang pag-asa.
Ang taimtim at taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ng mga Israelita sa Unang Pagbasa ay dapat nating tularan. Piliin natin ang Diyos. Lagi nating tahakin ang landas ng kabanalan sapagkat ito ang Kaniyang nais at hangad para sa ating lahat. Ipinapahayag natin sa pamamagitan nito na tunay ngang nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang taos-puso. Maging panalangin ng bawat isa sa atin ang mga salita sa Salmong Tugunan.
Dahil sa Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong pag-asa. Huwag nating sayangin at ipagwalang-bahala ang mga pagkakataong Kaniyang kaloob sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento