Sabado, Setyembre 6, 2025

KRUS NA BANAL: INSTRUMENTO NG PAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

14 Setyembre 2025 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 

"Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Nakasentro sa mga salitang ito sa Salmong Tugunan ang pagninilay ng Inang Simbahan sa araw na ito. Sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, nakatuon ang ating mga pansin sa Krus na Banal. Ginamit ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Krus na Banal upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Kusang-loob na inihandog ng Poong Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa Krus na Banal upang ipagkaloob sa sangkatauhan ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila. 

Isa lamang ang nais isalungguhit ng mga Pagbasa para sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Hindi natin dapat limutin kailanman ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Kailanman, hindi tayo nilimot ng Diyos. Laging naging tapat ang Diyos. Dahil diyan, dapat maging tapat rin tayo sa Kaniya sa pamamagitan ng taos-pusong pagsasabuhay ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya, gaya ng lahat ng mga banal sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, nagreklamo ang mga Israelita tungkol sa kanilang paglalakbay sa ilang patungo sa lupang ipinangako. Ipinahayag ng mga Israelita sa pamamagitan ng reklamong ito ang kanilang pagkalimot sa walang hanggang katapatan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Nakalimutan nila kung paanong ang Diyos ay naging tapat sa kanila. Pinalaya Niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ang naging kapalit nito ay walang tigil na pagrereklamo at paglimot sa Kaniya. Nasaktan ang Diyos sa mga pahayag na ito. Kaya naman, ipinasiya Niyang magpadala ng mga makamandag na ahas upang mamatay sila pagkatuklaw sa kanila. Hindi nagtagal at nagbalik-loob sa Diyos ang mga Israelita. Dahil sa mga makamandag na ahas, saka pa lamang nilang naalalang hindi nakakalimot at nagpapabaya ang Diyos. Ang naging tugon ng Diyos sa pagbabalik-loob ng mga Israelita ay isang ahas na tanso na Kaniya namang ipinagawa kay Moises na Kaniyang lingkod. Ang lahat ng mga natuklaw ng mga makamandag na ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay naligtas mula sa kamatayan. 

Nakasentro sa paghahandog ng sarili ng Poong Jesus Nazareno sa Krus na Banal ang pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa at ang mga salitang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng gawang ito na tunay ngang dakila, ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay naipagkaloob sa buong sangkatauhan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob, ipinasiya Niya itong gawin alang-alang sa atin. 

Ang Krus na Banal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat nating ikarangal at pahalagahan sa bawat oras at sandali ng ating buhay. Hinding-hindi ito dapat limutin kailanman. Ito ang instrumentong Kaniyang ginamit upang idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng kusang-loob na pagtubos sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento