5 Oktubre 2025
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Habacuc 1, 2-3; 2,2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10
Buong linaw na ipinapahayag ng mga nakikinig at sumusunod sa Diyos ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. Ito ang aral at katotohanang buong linaw na isinalungguhit sa mga Pagbasa. Mayroong ugnayan ang pakikinig at pagsunod sa Panginoong Diyos nang taos-puso sa pasiya ng bawat mananampalataya na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Katunayan, ang pakikinig at pagsunod sa Panginoong Diyos ay isa lamang patunay ng pasiya ng bawat isa na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na ipinangako ng Panginoong Diyos na mamumuhay ang lahat ng mga matuwid sa Kaniyang paningin. Ang kanilang taos-pusong pasiyang makinig at sumunod sa mga aral, plano, atas, utos, hangarin at loobin ng Panginoong Diyos ay patunay ng kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Tapat rin sila sa pasiya nilang ito na bukal sa kanilang mga puso at loobin. Nakasentro sa pasiyang ito na bukal sa kanilang mga puso at loobin ang pangaral ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa. Hindi ito dapat ikahiya. Bagkus, dapat lamang itong ipahayag sa pamamagitan ng salita at gawa. Ito rin ang isinalungguhit ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Dapat nating isabuhay ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa.
Gaya na lamang ng inihayag nang buong linaw ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo S'yang salungatin" (Salmo 94, 8). Lagi nating dapat pakinggan at sundin ang mga utos at loobin ng Panginoong Diyos. Kung ito ang ating gagawin sa bawat sandali ng pansamantala nating paglalakbay sa lupa, buong linaw nating inihahayag ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi Siya lamang.
Ang lahat ng mga nakikinig at sumusunod sa Diyos ay laging nakikinig at sumusunod sa Kaniya. Pinatutunayan nila sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Diyos na bukal sa kanilang mga puso at loobin ang kanilang desisyong manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento