Sabado, Setyembre 13, 2025

LAGING ALALAHANIN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

21 Setyembre 2025 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13) 


Screenshot: Gigi Murin Ch. hololive-EN, "i speak to you on a greenscreen background for you to screenshot me." August 11, 2025. YouTube.

Noong ika-21 ng Setyembre ng taong 2024, inawit ni Gigi Murin, isa sa mga apat na kasapi ng ikaapat na henerasyon ng mga virtual YouTubers (VTubers) para sa Hololive English (ang sangay ng Hololive Production na binubuo ng mga talento na galing sa mga bansa sa labas ng bansang Hapon kung saan Ingles ang isa sa mga pangunahing wika - kung hindi man ito ang wikang pambansa - ng mga bansang tinitirhan ng mga talento sa nasabing sangay) na tinatawag na "Justice" (Katarungan) ang isa sa mga awit ng bandang Earth, Wind, and Fire - ang awiting pinamagatang "September." Sa loob ng walong oras, paulit-ulit niyang inawit ang nasabing kanta. Hindi mahahanap sa kaniyang opisyal na YouTube channel ang stream na ito dahil unarchived ito (ang ibig sabihin noon - tinanggal na ito mula sa YouTube ilang oras o minuto pagkatapos ganapin ang nasabing stream dahil sa copyright). 

Kung tatanungin ninyo ang mga tagahangang nanood ng nasabing stream, hindi nila ito makakalimutan. Naaliw sila sa paulit-ulit na pagkanta ni Gigi Murin ng awiting ito sa loob ng higit kumulang na walong oras. Dagdag pa roon ay ang bigla nilang pag-alala sa nasabing kaganapan kapag narinig nila ang awiting ito. Himig pa nga lamang ng nasabing awitin o kaya naman ang mga unang titik nito ay agad nilang naalala ang pangyayaring ito na tunay nga namang nakakaaliw at nakakatawa. 

Mabuti pa ang mga tagahanga ng mga VTuber gaya na lamang ni Gigi Murin, lalung-lalo na yaong mga masusugid na tagahanga, hindi nakakalimot sa mga kaganapang katulad nito na tunay ngang nakakaaliw at nakakatawa. Hindi rin dapat ikagulat kung pati ang anibersaryo ng kanilang pagiging mga VTuber at pati ang kanilang kaarawan ay kanila ring naalala. Talagang masasabing sila na mismo ang may pinakamatalas na isipan at gunita. Napakahusay nila pagdating sa pag-alala sa mga bagay na nauukol sa mga nasabing VTuber. Subalit, tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang si Jesus Nazareno mismo ang nagtatag, naalala ba natin Siya sa bawat sandali? 

Tiyak na hindi pamilyar para sa nakararami ang mga salitang binigkas ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa. Buong linaw Niyang inihayag ang Kaniyang pagkamuhi at pagkasuklam sa mga umaapi, umaabuso, at nanamantala ng mga dukha. Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Panginoong Diyos nang lubos ang walang awang pang-aalipin, pang-aapi, pang-aabuso, at pananamantala sa kanila na lubos Niyang pinapahalagahan. Gaya nga ng ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit sa Salmo Responsoryo: "Purihin ang Poong D'yos na sa dukha'y nagtatampok" (Salmo 112, 1a at 7b). Baka nga pati ang katotohanang buong linaw na isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nakalimutan rin ng nakararami. Hindi ekslusibo ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Bagkus, para ito sa lahat. O kaya naman ang aral na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa huling bahagi ng Ebanghelyo: "Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan" (Lc. 16, 13). 

Sa panahon ngayon, buong lakas na ipinapahayag ng nakararami na tunay nga silang nananalig at umaaasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Iyon nga lamang, ang mga sangkot sa katiwalian at korapsiyon ay pinagtatanggol at hinahangaan. Buong lakas nilang pinapalakpakan, hinahangaan, at pinagtatanggol sa lahat ng pagkakataon ang lahat ng mga mangnanakaw at mga berdugong walang awang pumapatay sa mga inosente. Tahimik pa nga sila noong ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay minura ng isang mataas na opisyal. Hindi ba nananalig at umaaasa sila sa Diyos nang taos-puso? Nakalimutan yata nila. 

Ito ang nakakalungkot. Ang Diyos ay napakadaling kalimutan. Kahit na hindi Niya tayo nilimot kailanman, may mga pagkakataong nakakalimutan Siya. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa harap ng kawalan ng hustisya, pang-aapi, at pang-aabuso, kahit buong linaw na inihayag ng Diyos na kinasusuklaman Niya ang mga ito. 

Ang mga tunay na nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ay hinding-hindi nakakalimot. Hindi nila ititikom ang kanilang mga labi o kaya magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan sa harap ng kawalan ng hustisya. Bagkus, titindig at kikilos sila upang tiyaking hindi ipagkakait sa mga kapus-palad ang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento