Sabado, Setyembre 20, 2025

IBAHAGI ANG MGA BIYAYANG KALOOB NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

28 Setyembre 2025 
Ika-38 Taong Anibersaryo ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 4, 19-24


Buong linaw na isinalungguhit kung gaano kahalaga para sa bayan ng Diyos ang mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan sa mga Pagbasa. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng bawat Simbahan ang taunang Anibersaryo ng Pagtatalaga ng Dambana ng mga ito. Kung nagkataong tumapat ang araw na ito sa mga Linggo sa panahon ng Adbiyento, Kuwaresma, Pasko ng Muling Pagkabuhay, at Linggo ng Pentekostes, ililipat ang pagdiriwang nito sa ibang araw. Mas matindi nga kapag tumapat ang nasabing araw sa mga Mahal na Araw (kahit mula Lunes Santo hanggang Miyerkules Santo) o 'di kaya sa Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sapagkat medyo maghihintay sila nang kaunting katagalan bago ito ipagdiwang.

Ang mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan ay nagsisilbing mga daluyan ng mga biyaya ng Diyos. Ito ang tanging dahilan kung bakit laging tumutungo sa mga Simbahan ang mga mananampalataya. Nais nilang sambahin, purihin, pasalamatan, parangalan, at dakilain ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Oo, ito ay magagawa rin naman kahit saan at kahit kailan. Subalit, sa mga bahay-dalanginan, nagkakatipon tayong lahat bilang isang sambayanang binubuo ng mga mananampalatayang nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Bilang isang bayang nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso, tinatanggap natin sa tuwing tumutungo tayo sa mga bahay-dalanginan ang Kaniyang mga biyaya. 

Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inilarawan ang templo bilang isang daluyan ng mga biyaya ng Diyos. Ito rin ang isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Buong linaw namang inihayag ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay sagrado dahil niloob ng Espiritu Santo na maging Kaniyang mga templo ang bawat isa sa atin. Ang lahat ng mga tunay na sumasamba, nananalig, at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ay inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Isinasabuhay nila sa bawat oras at sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa lupa ang kanilang taos-pusong pasiyang sumampalataya, manalig, at umasa sa Kaniya. 

Hindi dapat maiwan sa loob ng mga Simbahang ating tinutunguhan ang lahat ng mga biyayang ating tinanggap mula sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ang mga biyayang ito ay dapat nating ibahagi at ipalaganap. Sa pamamagitan nito, ating ipinapahayag ang ating taos-pusong pasiyang sumampalataya, manalig, at umasa sa Diyos nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento