Huwebes, Setyembre 18, 2025

HANDANG IPAGKATIWALA ANG SARILI SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

23 Setyembre 2025 
Paggunita kay San Pio ng Pietrelcina, pari 
Esdras 6, 7-8. 12b. 14-20/Salmo 121/Lucas 8, 19-21 


"Manalangin, umasa, huwag mag-alala." Ito ang mga salita ng Santong ginugunita ng Inang Simbahan sa araw na ito na walang iba kundi ang paring Capuchino na si San Pio ng Pietrelcina na mas kilala ng marami bilang Padre Pio. Isinalungguhit niya nang buong linaw sa pamamagitan ng kaniyang mga salitang ito kung paanong ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos ay ating maisasabuhay sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Dapat nating maipahayag ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos na Siyang pinagmumulan ng dakilang biyaya ng tunay na pag-asa sa pamamagitan ng mga salita at gawa. 

Sa Unang Pagbasa, ang mga Hudyo ay pinahintulutang itayo muli ang templo upang makapagpuri at makasamba sila sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay buong linaw nilang isinasabuhay sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pagpupuri at pagsamba sa Diyos. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung paanong maging bahagi ng Kaniyang pamilya. Kung nais nating mapabilang sa pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang kalooban ng Diyos ay dapat nating tuparin at sundin. Ipinapahayag natin sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos na ang pasiyang manalig at umasa sa Diyos ay hindi sapilitan kundi bukal sa ating mga puso at kalooban. 

Ang mga tunay na nananalig at umaaasa sa Diyos ay laging nakikinig at sumusunod sa Kaniyang mga utos at loobin. Sa pamamagitan nito, ipinagkakatiwala nila ang buo nilang sarili sa Kaniya na dapat panaligan at asahan ng lahat ng taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento