Huwebes, Setyembre 11, 2025

HINDI DAHILAN ANG HAPIS AT DALAMHATI UPANG HINDI MANALIG AT UMASA SA DIYOS

15 Setyembre 2025 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 


Kapag ang ika-15 ng Setyembre ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, inilaan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati ang araw na ito. Ginugunita ng Simbahan sa tuwing sasapit ang ika-15 ng Setyembre ng bawat taon (maliban na lamang sa mga taong tumapat ang petsang ito sa araw ng Linggo) ang mga hapis ng Mahal na Birheng Maria. Subalit, para sa Mahal na Birheng Maria, hindi dahilan ang mga hapis at dalamhati upang hindi manalig at umasa sa Diyos. 

Nakatuon sa pagtalima ng Poong Jesus Nazareno sa kalooban ng Amang nasa langit ang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Sa kabila ng mga luha, pait, hapdi, kirot, sakit, hapis, at dalamhati, lalung-lalo na sa Halamanan ng Hetsemani, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na tuparin at sundin nang taos-puso ang kalooban ng Amang nasa langit. Buong linaw namang ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ipinagkatiwala niya sa Diyos ang buo niyang puso at sarili bilang tanda ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos sa bawat oras at sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Ang eksenang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo ay walang iba kundi ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa lupa. May ugnayan ito sa mga salitang buong linaw na binigkas ni Simeon sa kaniya sa Templo noong araw na nagtungo siya roon kasama si San Jose upang inihandog ang Batang Poong Jesus Nazareno sa eksenang tampok sa alternatibong Ebanghelyo. 

Sa kabila ng mga hapis at dalamhati, hindi tumigil ang Mahal na Birheng Maria sa pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahirap unawain at sundin ang kalooban ng Diyos, sumunod pa rin ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos bilang tanda ng kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento