26 Setyembre 2025
Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Ageo 1, 15b-2, 9/Salmo 42/Lucas 9, 18-22
Larawan: Luis de Morales (1509–1586). Cristo, Varón de Dolores (c. 1566). Museo del Prado. Public Domain.
Buong linaw na ipinangako ng Panginoong Diyos sa mga Israelita na hindi Niya sila pababayaan habang ang templo ay muli nilang itatayo sa Unang Pagbasa. Lagi Niya sila sasamahan at tutulungan sa muling pagtatayo ng templo. Sa pamamagitan nito, idinulot ng Panginoong Diyos ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa mga Israelita. Patunay lamang ito na marapat lamang na manalig at umasa sa Panginoong Diyos nang taos-puso.
Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol kung paano Niya idudulot sa lahat ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay dumating sa lupa nang ang panahong itinakda ay sumapit ngang totoo sa pamamagitan ng Salita na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Hindi natin matatagpuan sa lahat ng mga lugar sa daigdig ang tunay na pag-asa. Ang tunay na pag-asa ay nagmumula lamang sa Diyos. Mga tagapagbahagi lamang tayo ng biyayang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento