10 Oktubre 2025
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Joel 1, 13-15; 2-1-2/Salmo 9/Lucas 11, 15-26
Nakasentro sa titulo ng Panginoong Diyos bilang Dakilang Hukom ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Wala Siyang bahid ng katiwalian. Hindi uubra sa Dakilang Hukom na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ang mga suhol o tongpats. Ang Panginoong Diyos ay hindi masusuhulan kahit kailan. Kung mayroon mang nagbabalak na sumubok, hindi nila ito dapat ituloy dahil walang patutunguhan iyon. Tunay nga Siyang makatarungan.
Subalit, hindi nakasentro sa pagiging makatarungan ng Diyos ang Unang Pagbasa at ang Ebanghelyo. Bagkus, nakatuon ang mga nasabing Pagbasa sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Sa Unang Pagbasa, nanawagan si Propeta Joel sa lahat ng mga bumubuo sa bayang hinirang ng Diyos na walang iba kundi ang Israel na magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Ang Ebanghelyo ay tungkol sa isinagawang pagpapalayas ng demonyo mula sa sinasapian nito. Walang ibang layunin ang Poong Jesus Nazareno kundi ang ipamalas sa taong sinasapian ng demonyo na Kaniya namang pinalayas mula sa nasabing tao ang Kaniyang pag-ibig, grasya, kagandahang-loob, habag, at awa.
Ano ang ugnayan ng katarungan ng Diyos sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa? Hindi katumbas ng suhol o tongpats ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Nasusuklam Siya sa katiwalian at kasamaan. Ang lahat ng tao ay Kaniyang iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan. Dahil dito, palagi Niya silang binibigyan ng pag-asa sa bawat sandali ng kanilang paglalakbay sa lupa.
Tandaan, hindi suhol ang pag-asang kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos sa ating lahat. Bagkus, isa itong biyaya para sa bawat isa sa atin na tutulong sa atin habang ang landas ng kabanalan ay ating tinatahak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento